News

Imbestigasyon ng Senado hinggil sa water crisis kasado ma

Kasado na ngayong araw ang isasagawang sariling imbestigasyon ng senado hinggil sa nararanasang water shortage sa ilang lugar sa Metro Manila at Rizal.

Ayon kay Senadora Grace Poe, Chairman ng Senate Committee on Public Services, maraming kailangang ipaliwanag ang Manila Water Company sa isasagawa nilang pagdinig kaugnay sa biglaang kakulangan sa suplay ng tubig sa kanilang mga nasasakupan.

Nakapagtataka ayon sa senadora ang biglaang pagkakaroon ng water shortage gayong sa nakalipas na tatlong linggo ay wala namang abiso o paramdam na magkakaroon ng kakulangan sa suplay ng tubig.

Giit ni Poe, batid naman ng Manila Water na madalang talaga ang pag-ulan, may El Niño man o wala, sa ganitong panahon.

Dapat din anya na ikinonsidera nila ang pagdami ng populasyon kaya’t lalakas din ang konsumo sa tubig.

Samantala, imbitado sa naturang pagdinig na isasagawa mamayang alas- 10:00 ng umaga ang mga opisyal ng kinauukulang tanggapan ng gobyerno at kinatawan ng private water concessionaire.

(with report from Cely Ortega- Bueno)


Pagsasabatas ng parusa sa water concessionaire na lalabag sa concession agreement, pinag-iisipan

Kailangang amiyendahan ang batas hinggil sa water concession para maparusahan ang mga concessionaire na papalya sa kanilang serbisyo.

Ito ang iminungkahi ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa pagdinig ng Kamara hinggil sa nararanasang krisis sa tubig, kahapon.

Ayon kay Arroyo, dapat ay magdagdag ng probisyon ukol sa pagpataw ng parusa para sa mga hindi sumusunod o mabibigong sumunod sa ilang bahagi ng concession agreement.

Magugunitang inamin ng MWSS o Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa naturang pagdinig na wala silang otoridad na magpataw ng parusa sa Manila Water na lumabag sa mandato nila hinggil sa dapat ay walang patid na serbisyo ng tubig sa kanilang nasasakupan.

source: dwiz882am

Comments

comments



Most Popular


To Top