MANILA, Philippines — Kapwa natimbog ng pulisya ang dalawang graduating student ng De La Salle University matapos makumpiskahan ang mga ito ng P1.5 milyon ng iba’t- ibang uri ng party drugs sa isinagawang operasyon sa Makati City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Guillermo Eleazar ang mga suspek na sina Adriel Ryoichi Temporosa Suzuki, 24, isang Fil-Japanese, naninirahan sa Unit Dela Rosa Condominium, Dela Rosa St., Brgy. Pio Del Pilar Makati City at Ralph Jeffrey Esteban, 23 ng BF Homes Almanza, Las Piñas City.
Sa isinumiteng report ni Senior Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police kay Eleazar, alas-7:00 kahapon ng umaga nang kanilang salakayin ang unit ni Suzuki sa Dela Rosa Condominium, Dela Rosa St., Brgy. Pio Del Pilar ng nasabing lungsod.
Nang tanungin ng ‘Grab Angkas Padala’ driver na si Claus Sabadera kung ano ang laman ng kahon na ipapadala, tumangging sabihin ito ni Suzuki.
Nang buksan ni Senior Inspector Jay Ar Fajardo ang naturang package dito na tumambad na naglalaman ng ibat-ibang uri ng “party drugs” o ecstasy.
Dahil dito agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis at ni-raid nila ang 7th Floor ng naturang condominium.
Naabutan ng mga pulis si Suzuki na kung saan nasamsam dito ang mahigit sa 1000 pirasong party drugs, reduce cocaine, shabu at drug paraphernalias, ilang pirasong Japanese yen, mga LDS at di pa mabatid na halaga ng pera.
Inamin naman ni Suzuki na karamihan niyang parokyano o customer ay pawang mga estudyante ng nasabing paaralan.
Para hindi aniya halata sa kanilang paaralan ang mga nasabing drogang nabibili sa kanya ay nilalagay nito sa kaha ng sigarilyo.
Aminado naman ang mga suspek na nagbebenta sila ng ecstasy kapag may bumibili sa kanila, ngunit iginiit nila sa mga pulis na for consumption lang umano nila ito.
Ayon naman kay Eleazar, maituturing aniya na malaking sindikato ang ganito karaming droga na karamihan mga estudyante ang parokyano.
source: philstar.com