Politics
Mayayamang kandidato ‘wag iboto – Duterte
MANILA, Philippines — Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga botante na huwag iboboto ang mayayamang kandidato na walang malasakit sa ibang tao.
Sa isang campaign rally ng PDP-Laban sa Abra kamakalawa, iminungkahi ng Pangulo sa mga tao na piliin ang mga bagong lider na sinsero, masipag, at merong magandang rekord.
“Mamili kayo ng presidente, congressman, huwag kayong pumili ‘yang mga mayaman. They cannot fathom. Sa Binisaya, di nila makab-ot. Sa Tagalog, hindi nila makuha sa ilalim ‘yung sentimiyento ng tao,” sabi ni Duterte na dating alkalde ng Davao City.
“Pagka ‘yang mga milyonaryo na dati may mga korporasyon, mga plantation, gagamitin lang kayo niyan. Maghanap kayo ng mga tao na sinsero. ‘Yun nagtrabaho na’t may maipakita na,” dagdag niya.
Ipinalabas ng Pangulo ang panawagan nang ikampanya niya sa Abra ang mga kandidatong senador ng administrasyon.
Sinabi pa niya na pawang mga taong may integridad at kakayahan ang mga kandidato ng administrasyon tulad nina re-electionist Senator Aquilino Pimentel III, dating Presidential political adviser Francis Tolentino, dating assistant Christopher Go, at dating police chief Ronald dela Rosa.
Binatikos din ni Duterte ang Otso Diretso senatorial candidates na anya ay nagsasagawa umano ng black propaganda laban sa kanilang mga kalaban.
source: .philstar.com
Comments
comments