Kinalampag kahapon ni Sen. Nancy Binay ang Department Information Communications and Technology (DICT) na tingnan ang magagawa para matanggal ang kontrobersiyal na “suicide app” na “Momo,” “Blue Whale” at iba pang challenge na iniuugnay sa pagpapakamatay ng ilang bata.
“On the part of government tingnan ng DICT kung may kakayahan na tanggalin, coordinate with Facebook or YouTube kung kayang i-down yong video,” sabi ni Binay.
Ayon naman kay DICT Sec. Eliseo Rio, may isinasagawa na silang imbestigasyon, ngunit ang pinakamabisang paraan ng pag-iingat ngayon ay ang tulong ng mga magulang sa pag-monitor ng kanilang mga anak.
Dalawa na ang sinasabing kaso nito sa Pilipinas, kung saan isang 11-anyos ang nagpakamatay habang isang 7-anyos naman ang nanakit sa kaniyang sarili.
Sa inisyal na mga laro umano ay magiging makulay ang mga laro, may reward at kagigiliwan ng mga bata, subalit kalaunan ay nagbibigay na ito ng marahas na instructions, katulad ng pananakit at pagpatay.
Nagbibilin din umano ang nasa likod ng challenge na huwag magsumbong sa sinuman, dahil papatayin ang mga magulang ng batang lalabag sa “game rules.”
Nanawagan naman si PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde sa mga magulang at guro na bantayan ang mga bata na posibleng mabiktima ng kontrobersyal na “suicide games “.
Nagbabala rin ang PNP sa sinumang nanghihikayat sa mga bata na gumawa ng peligrosong games na mahaharap sa kasong kriminal.
source: philstar.com