Politics

Opisyal ng BIR, utas sa tandem

MANILA, Philippines –  Isang opisyal ng Bureau of Internal Re­venue  (BIR) ang nasawi makaraang malapitang barilin sa ulo ng riding in tandem na suspek, habang ang una ay naghahanda papasok sa kanyang opisina sa West Avenue, Quezon City, kahapon ng umaga.

Sa inisyal na report kay Quezon City Police District (QCPD) Director Chief /Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) nakilala ang biktima na si Alberto Enriquez, Jr.,49,  chief ng assessment section ng BIR Revenue District Office 28 sa West Avenue, QC at nakatira sa Madasalin St.,Brgy. Sikatuna Village,  sa lungsod.

Ayon kay Eleazar, nagtamo ang biktima ng isang tama sa kanyang ulo na naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay.

Sa imbestigasyon ni PO3 Elario Wanawan, ng CIDU, nangyari ang insidente sa  par­king area ng Ambianza Apartelle, sa West Avenue, Brgy. Philam, Quezon City, dakong alas-7:30 ng umaga.

Sinasabing ipinarada ng biktima ang kanyang kotse na Hyundai Sta.Fe, sa nasabing lugar para pumasok sa kanyang opisina.

Mula  sa driver seat ay bumaba ang biktima saka pumunta sa likurang bahagi ng kanyang sasakyan at kinuha ang kanyang barong tagalog nang biglang lapitan siya ng isa sa mga armadong suspek at barilin sa ulo.

 Samantala, ang gunman naman at kasama nito ay mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen.Base sa pagsisiyasat, matagal na umanong  nasa lugar ang mga suspek na tila hinihintay lamang ang pagdating ng biktima, hanggang sa maganap ang naturang insidente.

Dagdag pa ni PO3 Wanawan, posibleng ang pakay lang ng mga suspek ay ang paslangin ang biktima, dahil hindi naman umano tinangay ng mga suspek ang halagang P57, 870.00 na dala nito sa kanyang sasakyan.

source: Pilipino Star Ngayon

 

Comments

comments



Most Popular


To Top